Huwag ka matatakot kapag tinanong ka ng ‘How do you handle stress? o di naman kaya’y ibang tanong na may kinalaman sa stress o pressure sa trabaho, nais lamang malaman ng nagtatanong sa iyong interview kung may kakayahan ka ba makapagtrabaho kahit nahihirapan ka, may problema, o nailagay ka sa isang sitwasyon na sadyang nanganailangan ng mataas na pagtitimpi.

Makikita sa iyong mga sagot kung kaya mo ang trabaho sa isang partikular na sitwasyon, at kung naranasan mo na ang kahawig na mga pangyayari sa iyong dating pinapasukan o kaya ay sa iyong mga pinagdaan sa iyong personal na buhay.

Ito ang unang halimbawa:

“Madalas kapag nagagalit ang customer ay pinapakinggan ko muna siya dahil alam ko na hindi naman magtatagal ay masasabi na niya lahat ang problema na naranasan niya dahil sa aming produkto o serbisyo. At kapag nakapagsalita na siya ay ibibigay ko ang pinakamagandang solusyon na maaari naming ipagkaloob sa kanya. Kadalasan ay nakakahanap ako ng solusyon para sa isang galit na customer, nalalaman ko ang eksaktong solusyon sa kanyang problema dahil nakikinig muna ako ng mabuti habang siya ay nagsasalita. Pero kung hindi pa rin siya kuntento sa aming solusyon ay ikinukunsulta ko ito sa aming supervisor para makapagbigay ng ibang sagot sa problema ng customer. “

Kailangan na matuto tayong sumagot ng maayos at magalang sa ating mga parokyano, sila ang buhay ng negosyo at kahit pa may mga taong mahirap pakibagayan ay kailangan pa rin natin silang asikasuhin, kasama ito sa trabaho na ating tinanggap.

Maraming pinanggagalingan ang tension o stress sa trabaho. Pwede itong mag mula sa iyong mga kasama sa trabaho, sa customers o kliyente, sa iyong boss, o sa lugar kung saan ka nagtatrabaho o mula sa iba pang bagay.

Ito pa ang isang halimbawang sagot ng isang Manggagawa:

“Nagiisip ako ng mga mabuting solusyon para sa mga problema na kinakaharap ko sa araw-araw. May ginagamit kaming makina sa paggawa ng mga karton at may pagkakataon na bumabara ang mga ito kapag sunod sunod na lumalabas sa makina. kailangang mano-mano na ibukod ang mga ito, dahil luma na ang makina ay kailangang antabayanan ang nagagawang karton. Dagdag ito sa aking ginagawa pero natutunan ko na rin na abangan ang mga karton dahil mas malaking aberya ang mangyayari kapag ‘di ko ito nagawa. Nakakapagod, sabay pa sa iba kong normal na trabaho pero nasanay na ako, tanggap ko na kasama ito sa mga responsibilidad ko.”

Madalas wala kang magagawa kung hindi ang sumunod mahirap man o madali ang trabaho, gusto mo man o ayaw mo man ang isang aspeto nito at minsan dahil dito ay nagkakaroon ka ng agam-agam o stress.

Maaari mo itong malunasan sa pamamagitan ng pagtanggap na ito ang iyong trabaho, tulad ng ginagawa ng karamihan. O kaya naman ay ang pagbibigay ng ibang pananaw sa iyong mga ginagawa, pananaw na makabubuti ito para sa iyo, sa mga kliyente at sa buong kumpanya dahil anuman ang iyong gawin mabuti man o masama ay nakakaapekto sa kabuuan ng iyong trabaho.

Photo Credit: Getty Images