May mga pagkakataon na may nakilala tayong mga Recruiter sa ating pag-aapply sa trabaho na hindi natin makakalimutan. Maaring hindi tayo nakuha sa trabaho ngun’t nakapag bigay pa rin sila ng positibong karanasan sa atin. May mga pambihirang katangian ang magagaling na Recruiter. Upang maging epektibong propesyonal na Recruiter , ay kinakailangan na magkaroon sila ng mga katangian na maaring iilan lamang sa kompanya nila ang mayroon. Hindi maikakaila na malaki ang ambag ng pagiging palakaibigan at ang may kaalaman sa pagsasalita at pakikitungo sa mga tao sa ganitong trabaho.

Suriin natin at ilahad ang mga katangian ng mga natatagumpay na Recruiter sa mga iba’t ibang Organisasyon:

  1. Marunong maghanap ng tugmang aplikante para sa trabaho. Hindi lamang ang pinag-aralan at ‘experience’ ang hinahanap ng mahusay na Recruiter. Kinakailangan din na kilatisin nila ng maigi ang mga gawi at pag uugali ng isang empleyado na ipapasok. Dahil kung hindi maayos ang kanyang mga ikinikilos at bibitiwang salita ay hindi magiging maayos ang ugnayan sa loob ng lugar ng hanapbuhay.
  2. Maayos siya makipag-ugnayan sa mga tao. Tulad ng nabanggit, mahalaga ang mabuting pakikipag ugnayan sa kahit ano mang trabaho. Kung maayos ang pagsasamahan ng isang grupo o departamento ay mabilis nila matatapos ang isang proyekto. Mas marami silang matatapos at mas maging creative ang bawat isa, na maaring magresulta sa mataas na produksyon. Kadikit nito ang posibleng pagtaas din ng benta ng kanilang produkto o serbisyo.
  3. Kaalaman sa maayos na pagsasalita. Kasama dito ang paggamit ng lokal na salita sa kanilang lugar, tulad ng Tagalog o FIlipino kung siya ay nasa Luzon, o di naman kaya ay Cebuano o Ilonggo kung nasa Visayas. At higit sa lahat ang kaalaman sa pagsasalita ng Ingles. Kinakailangan din na marunong siyang magsulat sa mga wikang ito para kung kinakailangan ay maari siyang makipag ugnayan sa mga kliyente sa nararapat na pamamaraan. Ang mga bagay na ito ay magagamit niya upang maging propesyonal at mapadali ang pakikipag ugnayan sa loob at labas ng organisasyon.
  4. Marunong bumuo ng mabuting relasyon sa mga kapwa empleyado at mga aplikante sa trabaho. Bukod sa maayos na pakikitungo sa mga kasama sa trabaho, kailangan higit sa lahat ang maayos na pakikipag ugnayan sa mga aplikante sa trabaho. Ito ang pinaka mahalagang bahagi ng trabaho ng isang HR professional. Pakikipag usap, pagtatanong at pagbibigay ng mga impormasyon na makatutulong sa aplikante. At kapag nagawa niya ng tama ang tungkuling ito ay higit na makikinabang ang kahit sinong kompanya.
  5. Sensitibo sa mga nararamdaman ng mga taong kanyang kausap. Dahil karamihan sa mga HR Recruiters ay tapos sa kursong Psychology at Human Resource Management, mataas ang antas ng kanyang pang unawa sa kilos at sinasabi ng mga tao. Marunong din siyang maki ayon at makibagay kung kailangan upang matapos at gampanan ang isang gawin. Nagagamit niya ang kanyang kaalaman sa pakikipag usap sa mga aplikante upang malaman kung karapatdapat sila sa trabahong kanilang nais pasukin.

Ilan lamang ito sa mga katangian na nakikita natin sa mga nakakausap natin na mga Recruiter. Maaring may mga katangian na hindi natin nailahad dito pero siguradong may mga nakilala ka na rin na nakitaan mo ng mga katangian na mga ito.

Kung ikaw ay nag-iisip kung paano maging isang Recruiter, maari mo din basahin ang artikulong ito upang makatulong sa’yo:

HOW STUDENTS CAN START THEIR CAREERS THROUGH INTERNSHIP

Photo Credit: Getty Images