Marami sa atin ang mga nakapag trabaho noong lumipas na mga Official Holidays. Labag man ito sa iyong kalooban o hindi, isipin mo na mas maraming benepisyo ang pagpasok sa mga panahon na ito.

Karamihan sa atin ay hindi nais mag trabaho kapag holiday dahil ito ang mga araw na maaari mong makasama ang iyong mga mahal sa buhay. O di naman kaya’y magagawa mo ang mga bagay na matagal mo ng pinagplanuhan. Maaari din na nais mo lamang magpahinga ng araw na ito. Ngunit may pagkakataon na kailangan mong pumasok kahit pa piyesta opisyal, at may mga uri ng trabaho na sadyang kinakailangan ng trabahador upang patuloy na mapaglingkuran ang publiko.

Isa isahin nating ang mga mabuting benepisyo na iyong makukuha kapag nagtrabaho ka sa pista opisyal (official holidays)-

  1. Double pay o doble ang sahod.  Kung ikaw ay nagtatrabaho bilang regular na manggagawa ay doble ang sahod na iyong matatanggap kapag ikaw ay pumasok sa araw ng holiday. Hindi araw araw ay doble ang iyong magiging sahod. Isa itong magandang pagkakataon upang kumita ng dagdag na pera. May pagkakataon pa na hindi lamang doble ang iyong kikitaan dahil kung nataon sa pasko o bagong taon ang iyong pasok, maaari kang sumahod ng mas malaki depende sa patakaran ng inyong kompanya. Nandiyan din ang karagdagan na ‘tip’ ibinibigay ng mga parokyano kung ikaw ay nasa service sector (waiter, valet parking, etc.).
  2. Kaunti lamang ang tao. Hindi ganun kahirap ang pagbiyahe. At karamihan sa industriya ay kakaunti lamang ang dagsa ng customers. May mga kompanya na kapag pista opisyal ay hindi nakatatanggap masyado ng parokyano o tawag dahil hindi dumadagsa ang mga mamimili. Sa katunayan, ang ‘holiday rush’ ay hindi mismo nangyayari sa araw ng pista opisyal, nguni’t sa mga ilang araw o linggo bago maganap ito.
  3. Mapapatunayan na ikaw ay maaasahan at mapapakatiwalaan. Dahil karamihan ay nais manatili sa bahay kasama ang kanilang pamilya kapag pista opisyal, kung isa ka sa magta trabaho sa araw ng pahinga ay  maaari mong putunayan na isa kang maaasahang at mapagkakatiwalaang empleyado. Ang simpleng pagpasok at paggawa ng iyong tungkulin sa trabaho sa araw ng holiday ay matinding pahiwatig na isa kang maaasahang trabahante.
  4. Masaya sa trabaho kung holidayNakatutuwa rin ang magtrabaho tuwing holiday tulad ng pasko at bagong taon dahil nanatili ang ispiritu ng pagmamahalan at pagbibigayan sa trabaho. Maaari mong gamitin ang araw na ito upang magpasalamat sa iyong mga kasama sa trabaho sa pamamagitan ng pagbati o pagbibigay ng maliit na tanda ng pagpapahalaga.

Kailangan mo man magtrabaho habang ang karamihan ay nasa bahay kasama ang kanilang pamilya, nagpapahinga o nagsasaya ay isipin mo na ginagawa mo rin ito para sa iyong sariling pamilya at para sa publiko na iyong pinaglilingkuran. Dahil malaki ang naitutulong na iyong pagse serbisyo sa mga taong nangagalian ng iyong serbisyo.