Kung tila nauubusan ka na o di naman kaya’y huminto ka na at wala ka ng gana tapusin ang mga gawain na kailangang tapusin, maaring nauubusan ka lamang ng motibasyon. Dahil nahihirapan ka makita sa iyong isip ang posibilidad o dahilan upang tapusin ito. Kaya minsan ay nararamdaman mo na napakahirap ng mga kailangang gawin upang matapos ang isang proyekto.

Narito ang ilan sa iyong maaaring gawin upang maibalik ang iyong motibasyon sa Pagtatrabaho

1. Linawin sa iyong isip ang iyong layunin. At kung ano din ang magiging kalalabasan sa pagtatapos ng iyong mga gawain. Gamitin natin na halimbawa ang pagpipintura ng kabuuan ng bahay, at pagkukumpuni nito.

Sa pamamagitan ng paglilinaw ng ang iyong layunin o adhikain, mababalikan mo ang mga dahilan kung bakit mo ginagawa ang isang bagay. Maaring ito ay upang mas maging mailawalas ang iyong paninirahan sa tahanan na ito. Upang mapataas ang halaga ng bahay kung ito ay iyong ibebenta. O di naman kaya ay mapanagutan mo ang iyong trabaho kung ikaw ay isang ganap na pintor. Malaki ang posibilidad na manumbalik ang iyong pag pupursige noong nagsisimula ka pa lamang.

2. Mag-isip ng panibagong dahilan kung bakit mo ginagawa ang isang bagay. Ito marahil ay para sa iyong sarili, o para sa iyong mga mahal sa buhay. Ito ba ay para kumita ng mas malaking pera, o ito ba ay para maiangat ang sarili sa iyong organisasyon na pinapasukan? O kaya naman ay para sa iyong personal na pangarap?

Iba-iba ang dahilan ng bawat isa kaya kailangan ikaw mismo ang mag-iisip ng mga makabuluhang dahilan kung bakit mo ginagawa ang isang bagay.

3. Paghimay sa mga kinakailangang gawin upang mapadali ito. Maaaring masyadong mabigat sa isip o gawin para sa iyo ang iyong kasalukuyang layunin. Sa pamamagitan ng pag himay nito, mas mapapadali para sa iyo na gawin ang iyong trabaho.

Halimbawa, kung kailangan mong pinturahan ang isang malaking bahay na mag-isa. Maaring mawalan mawalan ka ng gana kung iisipin mo na ikaw lamang ang gagawa ng lahat ng ito. Ngunit kung titingnan mo ito at gagawan ng unti-unting hakbang ang iyong mga dapat na gawin. ay mas magiging posible ito. Sa pamamagitan ng paghihimay, mas makikita mo na kakayanin naman pala ito- Una, linisin ang mga parte na kinakailangan pinturahan. Ikalawa, tanggalin ang mga lumang pintura. Pagkatapos ay lagyan ng masilya ang mga puwang. Lagyan ng masking tape at dyaryo ang mga door knobs, mga binta at iba pang bahagi ng bahay na hindi kailangang pinturahan. Sa huli ay ang pagpipintura na lamang ang iyong kailangang gawin, at mas mapapabilis pa ito kung nasa iyo ang tamang kagamitan.

Gawin ng dahan-dahan, isa-isa lamang ang mga dapat na tapusin. Huwag ibuhos ang buong lakas sa isang araw lamang upang hindi ka lubhang mapagod at mag-alala. Maraming mga bagay at gawain ang hindi kayang tapusin ng isang araw nguni’t kung may tamang pagplaplano, ay matatapos mo ito.

4. Bigyan ang sarili ng pabuya kapag natapos na ang isang mahirap na gawain. Nakatutulong ito para mapagpatuloy mo ang paggawa sa araw-araw. Halimbawa- kung matatapos mo pinturahan ang mga ding-ding ng bahay ay maaari mong bilhan ang iyong sarili ng masarap na hapunan o meryenda.

Subukan kahit isa lamang sa mga payo na ito at balitaan mo kami kung may pagbabago sa iyong paggawa at motibasyon. Kung may alam ka rin na ibang mga paraan upang maibalik ang motibasyon sa paggawa o paghahanapbuhay ay maari mor in ito ibahagi sa comment box, upang makatulong din ito sa iba.