Totoong napakaraming nawalan ng trabaho. Maraming nagsarang kompanya, mahirap ang buhay sa ngayon. Lalo na kung isa ka sa mga hindi pinalad na manatili sa iyong trabaho dahil sa epekto ng Pandemiya. Pero may magagawa ka para magkaroon ng pagkakakitaan. Maaaring sa pamamagitan ng paghahanap ng bagong trabaho o kaya naman sa pagtatayo ng maliit na negosyo.

1. Alamin ang iyong Kakayahan

Unang una, kinakailangan na alam mo na ang iyong mga kakayahan. Marunong ka bang magtahi? Marunong ka bang magluto? Ikaw ba ay may karanasan sa paghahatid ng iba’t ibang uri ng paninda? Ikaw ba ay magaling magsalita ng Ingles?

Magaling ka ba sa social media marketing? May alam ka ba sa programming?

Isulat ang iyong mga alam na gawin kahit gaano man ito kasimple. Tiyak may isang bagay na madali para sa iyo at mahirap para sa iba. Ano ito?

Iba-iba ang sagot ng bawat indibiwal sa tanong na ito. Ito marahil ang sagot para magkaroon ka ng bagong trabaho o mapagkakakitaan.

2. Magplano

Kapag malinaw na sa iyo ang iyong mga kakayahan, ang susunod mo na kinakailangang gawin ay ang magplano. Isipin ang mga bagay na iyong gagawin upang makabalik sa trabaho o kaya naman ay makapagsimula ng iyong sariling hanapbuhay.

Halimbawa, kung marunong ka magluto. Ilista mo ang mga kagamitan na iyong kailangan sa pagluluto pati na rin ang mga pagkain na iyong maaaring iluto sa araw-araw. Kung saan mo bibilhin ang mga kagamitan at sangkap sa pagluluto. Ilista mo rin ang paraan ng pagtitinda na iyong gagawin, ito ba ay ilalako, o ibebenta online? At iba pang hakbang upang maging matagumpay ang iyong sisimulang hanapbuhay.

Isa pang halimbawa, kung marunong kang magsalita ng Ingles ngunit hindi mo pa nasusubukan ang maghanap ng trabaho bilang call center agent ay maaari mong pag-isipan ang mga hakbang na iyong gagawin upang pag-aralan ang industrya ng BPO.

Ito ang ilang hakbang na maaari mong gawin upang matagumpay na makapasok sa mga trabaho sa isang BPO:

Alamin ang trabahong iyong papasukin – anong uri ng trabaho at kung pasok sa iyong mga kinahihiligan at mga kaalaman
Magsanay sumagot ng Ingles para sa Job Interview
Gumawa ng resume o i-update ito
Pumili ng tamang damit na maisusuot para sa interivew atbp. kahit online lamang ito

3. Kumilos

Maraming tao ang nananatili sa ikalawang hakbang ng matagal na panahon. Ang matagal at mabagal na pagpaplano. Marahil dahil kulang din ang kanilang lakas ng loob upang sumubok ng bago. Dahil dito, akala ng marami ay may nagagawa sila ngunit ang katotothanan ay ginagawa lamang nila itong dahilan upang hindi mag-aaply sa trabaho o hindi magsimula ng maliit na negosyo.

 

Harapin mo ang hamon ng panahon natin sa ngayon. Totoo na may pandemiya ngunit may magagawa ka pa rin. Kung pipiliin mong sundin ang mga suhestiyon na ito ay makakausad ka at makakahakbang tungo sa iyong ikabubuti.