Hindi lingid sa kaalaman ng marami na maraming trabaho ang naghihintay sa mga taong marunong mag salita ng Ingles. Maihahanay natin ang kasanayan na ito sa Sales, Customer Service, at Computer Skills. Ang pagkakaroon ng abilidad makapag salita ng Ingles ay kinakailangan upang makapasok sa industriya ng Business Process Outsourcing (BPO), Freelancing, at kahit sa ilang mga lokal na kumpanya. Ngayon, kahit pa may krisis, ang mgat trabaho na may kinalaman sa pagsasalita ng Ingles ay patuloy pa rin ang pagkuha ng mga bagong empleyado.

Ang trabaho sa Business Process Outsourcing (BPO) at Freelancing ay hindi lamang umiikot sa pagiging isang Call Center Agent. Maari ka din makapag trabaho sa mga ito bilang isang Virtual Assistant, Social Media Specialist, Chat and Email Support Representative, Back Office Specialist at iba pang mga trabaho na nasa larangan ng Information Technology tulad ng pagiging IT Helpdesk at Network Administrator.

Kung tulad ka rin ng iba na nahihirapan gamitin ang salitang Ingles sa pakikipag usap, ay maaring hindi mo lang ito nakasanayan gamitin sa pang araw-araw.

Masayang paraan upang masanay sa pagsasalita ng Ingles

Bukod sa pagbabasa, at pagsasanay sa pagsasalita ng wikang ito, ay isabuhay mo ang panonood ng mga Ingles na palabas upang matuto ka gamitin ang wikang ito. Siguraduhin mo lang din na naiintindihan mo ang mga salitang ginagamit at unti-unting sanayin ang sarili sa pagbigkas ng mga salitang maaring bago pa sa iyo.

Narito ang ilang mga bagay na maari mong gawin:

  1. Pumili ng isang pelikulang Ingles na paborito mo o di naman kaya’y nais mong panoorin. Panoorin mo ito at obserbahan ng mabuti ang mga linya ng mga artista.
  2. Kabisaduhin mo ang mga linya ng mga salitang iyong nagustuhan at bigkasin mo ito sa pamamaraan na malapit sa pagkakasabi ng mga artista.
  3. Obserbahan mo din ang pamamaraan ng mga artista kung paano sila makipag usap sa isa’t isa. Suriin mo mabuti ang kanilang simpleng pagsagot at pagtatanong sa isa’t isa. Pansinin mo rin ang pamamaraan ng kanilang pananalita kung paano ito naiiba depende sa kanilang mga emosyon.
  4. Di magtatagal at masasanay ang iyong tenga sa pagbigkas ng mga salita, at magiging pamilyar ka sa tunog ng wikang ito. Makapupulot ka ng mga salita na iyong magagamit sa pagsasalita ng wikang Ingles.

Ang panonood ng mga banyagang pelikula sa Ingles ay makakapag bigay din sa’yo ng karagdagang kaalaman tungkol sa kanilang kultura. Kung paano sila makitungo sa iba, at pati na rin ang kwento ng kanilang kasaysayan. Mga bagay na maari mong magamit kung nais mong makapag trabaho sa industriya ng BPO.

Isa itong mabisang paraan upang mabilis mong matutunan ang mga bagay tungkol sa mga Amerikano, Briton at mga Australyano. Dahil marami sa mga BPO accounts ay mula sa mga bansang ito.

Kaya ipinapayo namin ang panonood o pakikinig ng mga palabas na Ingles upang hindi ka maiinip o masuya sa pagsasanay sa wikang ito.

Mabuti rin kung maisusulat mo sa isang kwaderno o sa iyong smartphone ang mga salitang bago sa iyong pandinig upang mahanapin mo ang mga kahulugan nito. Sa ganitong paraan ay unti-unting madaragdagan ang iyong nalalamang salita.

Ugaliin mo ang panonood ng mga pelikula, videos o instructional videos sa wikang Ingles at siguradong malaki ang maitutulong nito sa iyong kasanayan sa Ingles. Isabay mo din ito sa pakikipag usap sa iyong mga kamag-anak at mga kaibigan sa saltang ito upang maging natural sa iyo ang paggamit ng wika.