Matinding hamon ang kinakaharap natin sa panahon ngayon dahil sa dami ng mga hadlang sa paghahanap ng trabaho. Pero may paraan pa rin upang makahanap ng trabaho. Huwag lang mawawalan ng pag-asa at patuloy na manalig, darating din ang araw at makakahanap ka rin ng trabaho.

Buksan mo din ang posibilidad sa makabagong paraan ng pag-aaply. Tulad ng pagsubmit ng aplikasyon online, pakikipag panayam sa Zoom at iba pa.

Pagbabalik Tanaw

Magbalik tanaw. Isipin mo ang iyong mga naging karanasan sa trabaho, anu-ano ba ito? Iba-iba ang karanasan ng bawat tao at tiyak iba rin ang sa iyo. Alin sa iyong mga naging karanasan ang iyong magagamit sa panahon ngayon na kung saan ay may mga restrictions/ hadlang para makapaghanap buhay tulad ng pagkalayo-layo o social distancing.

Sa pababalik tanaw o pag-reflect kung ano iyong mga naging trabaho, subakan mo na i-hanay ang iyong karanasan sa ating sitwasyon at tanungin ang iyong sarili- “Magagamit ko ba ang skill at kaalaman ko sa panahon ngayon?”

Halimbawa, kung ikaw may alam sa computer programming o coding, magagamit mo ito sa panahon ngayon dahil may pangangailangan pa rin ang maraming kumpanya para sa ganitong empleyado. Kinakailangan mo lamang siguradahin na ang iyong nalalaman ay angkop sa industriya.

Sino ang kukuha sa akin?

Dito papasok ang mga job portals.

Tulad ng dati maaari kang maghanap gamit ang iyong mga nakagawian ang pag- search sa mga job portals tulad ng PhilJobNet at Jobstreet.

Kung wala ka pang account sa isang job portal ay mabuting gumawa ka ng account dito. Libre po ang paglikha ng sariling account.

Kung ikaw naman ay malawak na ang karanasan, maari ka din gumawa ng account o di naman kaya’y mag update ng iyong karanasan sa LinkedIn lalo na kung ikaw ay galing sa industriya ng komersiyo, outsourcing at IT. Ang kagandahan sa LinkedIn ay maari kang makipag-ugnayan sa mga recruiters mismo upang lalong mas mapabilis ang iyong paghahanap ng trabaho.

Gamitin ang Social Media

Palawakin ang iyong koneksiyon at pagyabungin ang iyong mga kasalukuyang ugnayan sa iyong mga kakilala, kamag-anak, at mga dating kasama sa trabaho. Ang pagpapalawak at pagpapayabong ng iyong network ay malaki ang maitutulong sa iyong paghahanap ng trabaho.

Sakaling kulang ang iyong kaalaman at skills ay maaari kang magsanay online, maraming online classes na matatagpuan sa internet.

Ang iyong abilidad sa pagtatrabaho ay hindi kailanman mawawala kung ikaw ay nagsasanay matuto ng panibagong kaalaman at kasanayan. Maari mo din basahin ang ating ibang artikulo tungkol sa mga paraan upang paano mo pa mapagbubuti ang iyong sarili ngayong panahon ng pandemiya-

Mga Kinakailangan upang makapag simula ng Work from Home Jobs

Tips sa paggawa ng Resume

Gawin mo ito upang maging handa ka na bumalik sa trabaho