Alam natin na marami pa rin na saradong mga establisyemento ngayon. Malaki din ang naging sagabal ng kawalan ng pampublikong sasakyan at marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho. Napilitan ang iba sa atin na manatili sa kani-kanilang mga bahay dahil sa panganib ng pandemiya. Ngunit may mga trabaho tulad ng Tagapaghatid o Delivery Specialist na patuloy na hinahanap ng mga kumpanya dahil malaki ang pangangailangan dito ng komersiyo.

Kung napupusuan mo ng subukan ang maging isang Tagapaghatid o Delivery Specialist, maliban sa sasakyan tulad ng motor o kotse, may Anim na Katangian ang kinakailangan mo-

  1. Pag unawa at Pasensiya. Marahil ito ang pinakamahalaga na katangian na kinakailangan ng isang tagapaghatid ng produkto. Iba-iba ang ugali ng mga customer. May mabuti at magalang, at mayroon din naman na kailangang pang unawa at haba ng pasensiya. Kalakip nito ang pagiging magagalang sa kahit na sino na iyong hinahatiran. Mapa babae o lalaki. Bata o matanda, mahirap man o mayaman. Ang lahat ng uri ng customers ay dapat na binibigyan ng respeto.
  2. Sipag at Tiyaga. Upang kumita ng malaki, hindi ka dapat mamili ng oras a iyong paghahatid. Handa ka dapat magserbisyo sa oras na ikaw ay ipatawag. Maaaring maghatid ka sa ilalim ng init ng araw o maski pa umuulan. Ang mahalaga ay alam mo rin ang iyong limitasyon at matutong magpahinga ng tama.
  3. Kaalaman sa paggamit ng mga Mapa. Gamit ang teknolohiya na bigay ng mga ‘smartphone’, kinakailangan matuto gumamit nito at ng iba pang mga ‘Apps’ upang mapadali ang biyahe.
  4. Pagsunod sa Batas Trapiko. May mga nagagamit na teknolohiya upang mapadali ang iyong paghahatid, ngunit mas maigi kaalaman sa kalsada, sa batas trapiko, at sa karahiman ng lugar na iyong paghahatiran. Maaring hindi alam ng mga ‘apps’ ang ‘one-way’ na kalye kaya kinakailangan ay alerto at may kaalaman sa batas trapiko.
  5. Magandang pangangatawan. Dahil hindi pumipili ng oras at panahon ang iyong paghahatid ay kailangan ang malakas ang iyong pangangatawan. May mga pagkakataon na kailangan mong ihatid sa ilalim ng matinding init ng araw o sa gitna ng malakas na ulan. Kailangan din minsan buhatin ang mga mabibigat na ipinadadala o iakyat sa mataas na palapag ng gusali.
  6. Labis na pag-iingat sa daan. Upang makarating ng maaayos at hindi ka mapahamak, kinakailangan na laging kaligtasan muna sa kalsada ang iyong iniisip. Pati na rin ang kaligtasan ng ibang motorista at mga tao sa daan. Likhas dapat sa’yo ang pagsunod sa batas trapiko sa lahat ng oras kahit na walang ‘enforcers’ sa kalsada upang makaiwas sa aksidente.

Mahalaga ang maihatid ang mga ipinapadala sa tamang oras. Kaya naman, sa pamamagitan ng mga katangiang ito, mas mapaglilingkuran mo ng maayos ang lahat ng iyong hinahatiran at mapapaganda rin ang iyong kita.

Bukod sa mga katangiang nabanggit, kinakailangan mo rin ng ilang mga kagamitan. Tulad ng motorsiklo o bisikleta, ‘smartphone’ na may data, lisensiya sa pagmamaneho, at helmet upang masiguro ang iyong kaligtasan.

Laging isipin ang iyong kalusugan at ang kalusugan ng iyong hinahatiran. Huwag kalimutan maghugas ng kamay, magsuot ng face mask at dumistansiya sa mga customers at sa ibang taong iyong nakakahalubilo.

Kung mayroon ka ng mga katangian at kagamitan na nabanggit, ay maaari ka ng maghanap ng trabaho sa PhilJobNet. Hangad naman dito ang iyong kabutihan sa paghahanapbuhay.

 

 

Isinulat ni Oliver Villaverde para sa PhilJobNet