Mabuting pag-isipan mo muna kung magpapasya ka na magbitiw dahil sa hirap ng pag biyahe papunta sa iyong trabaho sa panahon ngayon.

Totoong napaka hirap dahil sa kawalan ng masasakyan. Kung mayroong pampublikong sasakyan ay hindi ito sapat. Ngunit kung tuluyan kang mawawalan ng hanapbuhay dahil sa mga limitasyong ito, ay lalong hindi makabubuti para sa iyo at sa iyong pamilya.

May mga bagay na iyong maaaring gawin upang makapasok sa trabaho sa kabila ng kawalan ng transportasyon.

Dahil hindi lahat ng employer ay may kakayahan na magbigay ng transportasyon upang ma-sundo at maihatid ang kanilang mga trabahador, makikita din natin ang mga paraan na epektibo para sa ilang mga kababayan natin. Tignan natin ang ilang mga paraan na mga ito:

  1. PANUNUULUYAN ng PANSAMANTALA KANILANG PINAPASUKAN. Upang maiwasan ang mahirap na kalagayan ng transportasyon, ang ibang mga Employer ay pumapayag na pansamantalang gawing tuluyan din ang kanilang mga lugar. Maari kang humingi ng permiso, kung mayroong angkop na silid sa iyong pinapasukan. Sa pamamagitan nito, maaiwasan mo ang hirap ng pagbiyahe araw-araw.
  2. 2. Isa pang maaring sagot ay ang BISIKLETA. Maraming manggagawa ang bumili o humihiram ng bisikleta upang makapasok sa kani-kanilang mga trabaho. Mahirap ang pagpadyak lalo na kung may kalayuan ang iyong pinapasukan. Ngunit sa pamamagitan nito ay makararating ka sa trabaho, patuloy ang iyong pag lingkod at makakapag uwi ka pa rin ng salapi upang pangtustos sa iyong mga gastusin sa bahay. 
  3. CARPOOLING. Ang ilang mapalad din na ating mga kababayan ay nakikisabay sa kanilang mga ka trabaho na may sasakyan. Maaring magkaron ng pick-up points na kung saan ay pwede silang madaanan ng kanilang mga ka opisina. Naghahati na lamang sila sa gastusin ng gasolina at parking upang makatipid at maka-iwas sa hirap ng pagbiyahe kung walang pampublikong sasakyan.
  4. PAGLALAKAD. May mga manggagawa naman na mas pinili na lamang mag-lakad upang makapasok sa kani-kanilang trabaho, gumigising sila ng maaga, naliligo, nag-aayos ng sarili at ng kanilang baon at sinisimulang ang mahabang paglalakad hindi pa sumisikat ang araw upang makarating sa kanilang pinapasukan. Hindi biro ang paglalakad, lalo na kung hindi ka sanay sa mahaba at malayong lakaran, at hindi rin ipinapayo ang maglakad sa gitna ng init ng araw upang makarating sa lugar ng trabaho. Ngunit ginagawa ito ng ilan upang makapasok lamang. Kung sakaling maglalakad kay ay mas mabuti kapag hindi pa sumisikat ang araw at paglubog nito upang makaiwas sa sakit.

Dahil mas mahalaga ang may kinikitang pera sa mga panahong ito, makikita natin ang pagkakaroon ng abilidad ng ating mga kababayan at mga kapwa trabahador upang makarating sa trabaho.

Kaya kung naiisip mo ng bumitiw sa trabaho dahil hirap ka sa pagpasok, maaring suriin mo muna ang apat na mga mahusay na mga paraan na ito. Kinakailangan lamang ang iyong pagkukusa at kagustuhang maglingkod upang patuloy na makapag-uwi ng suporta sa iyong pamilya.

 

Isinulat ni Oliver Villaverde para sa PhilJobNet