May mga bagay na maaring makapagdulot ng lungkot at paminsan ay nangyayari pa nga ito sa lugar kung saan tayo’y nagtatrabaho.

Maaaring isa itong personal na bagay, tulad ng pagkawala ng mahal mo sa buhay o isang di inaasahang malungkot na pangyayari. Nandiyan na rin ang hindi pagkakaunawaan sa mga kasamahan sa trabaho o ang trabaho o gawain mismo ang nagbibigay ng sama loob o alalahanin sa iyo.

Ito’y maaring magdulot ng hindi magandang epekto sa iyong pag-iisip at damdamin. Unti unti itong makaka-apekto sa iyong kilos at lalo na sa iyong pag-iisip. Nakakaranas ka rin ba nito?

 

Ito ang ilang mga palatandaan na ang isang tao ay ‘Depressed’ sa kanilang Trabaho:

  • Nabawasan ang pagkamasayahin lalo na kung dati ay masayahin.
  • Mas pinipiling mag-isa. Hindi na nakikisama sa mga kaibigan o kasamahan sa trabaho.
  • Walang gana sa pagpasok sa trabaho, lalo kung dati ay masigasig naman pumasok.
  • Nawawalan ng gana kumain.
  • Pakiramdam ng kawalan ng pag-asa sa buhay o sa mga kinakaharap na mahirap na sitwasyon.
  • Negatibo na ang pag-iisip sa mga bagay-bagay.

 

Hindi madaling malaman o matuklasan ng iba kung ikaw ay may nararanasang depresyon. Pero kung tapat ka sa iyong sarili ay hindi mo maikakaila na pinagdaraanan mo na ito.

Maaring wala lahat sa ating mga nabanggit ang sanhi ng iyong problema. Kung ikaw ay madalas makaranas ng ‘Depresyon’ sa di malamang kadahilanan ay mas maiging mag konsulta na sa isang propesyonal upang matulungan ka.

Kung alam mo naman ang sanhi ng iyong problema, mas maigi na harapin mo ito para hindi ka talunin ng iyong mga suliranin.

Isinulat ni Oliver Villaverde para sa PhilJobNet