Nakakatakot ang kalagayan ng walang trabaho. Pati rin ang mawalan ng trabaho lalo kung ang iyong hanapbuhay lamang ang iyong inaasahan at wala kang katuwang sa pagta-trabaho. Nguni’t nakakatakot din ang makita mo ang iyong sarili na patuloy na pumapasok sa isang trabaho kahit hindi ka na masaya.

Kung nararamdaman mo din ang ganitong klaseng takot ay hindi ka nag-iisa. Itanong mo sa iyong sarili kung may pagkukuhanan ka ba ng pang gastos kapag ikaw ay nawalan ng trabaho ngayon? Saan ka kukuha ng pambayad sa mga pang-araw araw na panggastos, pambayad sa kuryente at tubig, renta ng bahay at sa kung anu-ano pang pagkakagastusan.

Alin ang mas pipiliin mo?

Hindi ba’t parang ang hirap ng malagay sa kahit anong dalawang sitwasyon na ito. Huwag mangamba dahil mayroong solusyon ang dalawang magkaibang bagay na ito.

Sa kabilang banda naman, kung mananatili ka sa trabahong hindi mo naman talaga gusto ay magagampanan mo pa rin ang lahat ng iyong obligasyon at mga bayarin. Maaari hindi mo gusto ang iyong trabaho, ngunit ito rin ang makakasagot ng iyong mga pangangailangang pinansyal.

Nguni’t kung patatagalin mo ang iyong sarili sa sitwasyon na ito, ay maaring magdulot ito ng hindi magandang epekto sa iyo bilang tao at empleyado. Lalo na’t kung hindi ka na talaga masaya sa iyong trabaho. Ito’y hindi malayong magdulot ng mga iba’t ibang sakit.

Upang mabigyan ng solusyon ang hindi pagiging masaya, maaari mong gawin ang mga bagay na ito:
  • Maging positibo at umiwas sa pagiging negatibo.
  • Piliin mong maging masaya sa trabaho.
  • Gawin ang lahat ng iyong makakaya sa trabaho upang maipagmalaki mo ang iyong mga ginawa at ginagawa
  • Mahalin ang iyong trabaho, alamin ang lahat ng iyong malalaman tungkol dito upang mas lumalim ang iyong kaalaman sa iyong ginagawa.
  • Tapusin mo ang iyong mga nasimulang proyekto, dahil sa tuwing natatapos mo ang isang gawain makatutulong ito upang ikaw ay maging masaya.
  • Isipin mo ang maaaring mangyari kung mawawalan ka ng trabaho at kung ano ang magiging kahihinatnan kung mawawalan ka ng trabaho.

Bakit mas nakakatakot ang mawalan ng trabaho

Di hamak na mas mabuti ang may hanapbuhay kaysa wala. Lalo na’t kung hindi mo rin masasagot kung saan mo kukunin ang panggastos sa mga pangunahing pangangailangan mo. Maaring dito rin mag-ugat ang problema mo sa kalusugan dahil sa hindi sapat na pagkakaroon ng pagkain. Inilalagay mo rin sa peligro ang tiwala mo sa iyong sarili dahil patuloy mong haharapin ang iyong sarili na may laging kaba kung kakayanin mo pa ba makapagtrabaho muli.

Buksan ang iyong Isip para sa bagong Trabaho

Ngunit hindi rin mabuti kung mananatili ka sa isang hanapbuhay na hindi nakakatulong sa iyong kalusugang mental, emosyonal at maaaring pisikal. Kaya kung sa tingin mo ay kinaailangan mo nang lumipat ng ibang trabaho dahil hindi ka masaya sa iyong ginagawa, ay laging tandaan na makatutulong kami sa’yo. Hindi mo kailangan umalis sa iyong kasulukuyang trabaho upang makapag hanap ng bagong trabaho.

Kung ikaw ay walang hanapbuhay, simple lamang ang solusyon dito- ang pagkakaroon ng trabaho. Maraming paraan at payo ang iyong makikita dito sa PhilJobNet na makatutulong sa iyo upang makahanap ng trabaho sa lalong madaling panahon.

Photo Credit: Getty Images