Lahat naman ng mga bagay ay mahirap umpisahan. Hindi dapat mag alinlangan pasukin ang uri ng trabahong napupusuan mo kung wala kang kakilala na makapag bibigay sayo ng panimulang payo. Tulad na lamang ng pagiging Arkitekto. Bakit nga ba mainam maging Arkitekto lalo na kung ikaw ay interesado sa larangan ng pagguhit, disenyo at matematika? Kailangan mo ng panimulang gabay upang maihanda mo ang sarili lalo na kung ikaw ay nasa eskwelehan pa lamang. Maari mong gamitin ang panimulang gabay na ating inihanda para sa mga gusto maging Arkitekto.

Suriin natin ang ilang dahilan kung bakit napaka buti maging isang Arkitekto:

  1. Hindi ka maiinip o mawawalan ng gana sa iyong pinag-aaralan. Maraming interesanteng bagay kang matutunan sa pagiging Arkitekto. Laging hahamunin ang iyong pagka malikhain, sipag at tiyaga sa pag didisenyo.
  2. Makatutulong ka sa pagbibigay ng ligtas, maayos at kapakipakinabang na mga gusali at kabahayan para sa mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos at ligtas na disenyo.
  3. Makikita mo na maitatayo sa iyong harapan ang iyong iginuhit at inilikha. Ayon sa maraming bagong Arkitekto, napakasarap sa pakiramdam na makita mo ang iyong konsepto, iginuhit at disenyo na maisakatuparan at maging ganap na gusali.
  4. Lalawak ang iyong kaalaman sa maraming bagay dahil sa dami ng disiplinang iyong kailangang pag-aralan. Mula sa pag guhit, pagkalkula, pakikipag-usap at hanggang sa ‘construction’ ng bahay ay kailangan mong matutunan at maging dalubhasa.
  5. Tulad ng ibang propesyon na pagiging ‘Doctor’ at ‘Engineer’, mataas ang tingin sa mga Arkitekto. Nabibilang ito sa mga hanapbuhay na binibigyan ng mataas na respeto ng karamihan.
  6. Kung ang pag-gawa, pag guhit, at pagtatayo ng gusali ang iyong tunay na hangad sa buhay ay magiging masaya ka sa iyong pipiliing landas. Dahil hindi ka mauubusan ng ginagawa at gagawin at napakalawak ng larangan na ito.

Nawa’y makatulong sa iyo ang impormasyon na ito upang mabuo at tumibay ang iyong hangad na maging isang Arkitekto. Hangad namin ang iyong tagumpay sa larangang ito. Para sa mas higit na kaalaman tungkol sa propesyon na ito narito ang mga ‘links’ sa Podcast ng PhilJobNet na tumatalakay sa trabahong ito:

Buhay Hanapbuhay Episode 78, Buhay at Hanapbuhay Episode 77

Photo Credit: Getty Images