Madalas nating marinig na kinakailangan mag-isip ng positibo upang maging maayos ang ating disposisyon sa trabaho o sa paghahanap ng trabaho. Ngunit marami sa atin, kabaligtaran pa rin ang ginagawa dahil sa reklamo sa buhay. Bakit nga ba ganito ang nagiging likas na reaksyon ng karamihan? May mga negatibo at nagrereklamo pa imbis na sinisiyasat na lamang ang sarili upang mapabuti ang kalagayan.

Labanan ang maling Pag-iisip

Ayon sa mga eksperto, likas talaga sa tao ang pagiging ma reklamo. Ito ang unang reaksyon natin kapag tayo ay nahaharap sa sitwasyon na hindi natin gusto. Iba naman ang mga ginagawa ng mga ilang mga matagumpay na tao sa ating lipunan. Mas pinipili nila na makita ang mga mabuting bagay sa isang pagkakataon upang makahanap sila ng solusyon para sa mga suliranin, imbis na ubusin lamang nila ang oras sa pag rereklamo.

Hindi ito madaling gawin. Kailangan ng ibayong pagsasanay para makawala sa pag-iisip na makakasagabal sa iyong pag-unlad bilang tao o manggagawa.

Maging ‘Open-Minded’ ka

Ang unang hakbang ay ang pagkakaroon ng bukas na isip upang maging isang mabisang sandata laban sa maling pag-iisip. Hindi lamang sa hanapbuhay pati na rin sa ating buhay mismo.

Higit sa lahat, kailangan tanggapin ang katotohanan na malamang ay isa tayo sa mga taong mali ang paraan ng pag-iisip. Mula sa pagtanggap na ito, magsisimula ang pagbabago upang maituwid ang ating sarili para sa ikabubuti natin. Dito na maaring magsimula na imbis na reklamo ang reaksyon natin, ay paghahanap na ng angkop na solusyon ang laging maging unang reaksyon natin.

Sakaling hindi saklaw ng iyong kakayahan ang maaaring solusyon, ay mas mainam na manahimik na lamang at gumawa ng mga bagay na makatutulong sa iyong sarili, pamilya, o pamayanan.

Halimbawa, kung wala kang hanapbuhay ngayon, maaari kang magsimulang maghanap sa pamamagitan ng pagpunta sa website ng PhilJobNet.gov.ph ng mga trabahong ayon sa iyong kakayahan. Kung kulang naman ang iyong kaalaman o kasanayan, maaari kang magsanay ng isang kursong teknikal na maaari mong magamit para sa trabaho di naman kaya’y magpaturo na sa mga kakilalang taong nasa larangan ng trabahong iyong gusto upang maiangat mo ang iyong pagkakataon na matanggap sa trabaho.

Ilan lamang yan sa mga kapakipakinabang na bagay na iyong magagawa upang sa halip na mag-reklamo, ay gumawa na lamang at mag-isip ng paraan para sa iyong ikabubuti at ng mga mahal mo sa buhay.

Maari mo din puntahan ng iba pang mga artikulo natin para sa paghahanap ng trabaho- Job Interview Tips, Job Hunting Tips at Resume Writing Tips.

 

Photo Credit: Getty Images