Nakakita ka na ba ng mga job ads na nagsasabing naghahanap sila ng HVAC technician? Malamang ay tulad ng iba ay hindi mo rin ito binibigyan ng pansin dahil hindi ka pa pamilyar kung ano ang trabahong ito.

Ang ibig sabihin ng HVAC ay Heating, Ventilation, at Air Conditioning. May kinalaman ito sa pagpapalamig, bentilasyon at air conditioning ng bahay o gusali. Dahil hindi naman angkop ang heating sa ating klima dito, hindi na ito madalas ginagawang parte ng trabaho.

Ngayong alam mo na kung ano ang HVAC, kung nais mo pumasok sa larangan na ito, maari mo gamitin ang gabay na ito:

1. Mainam kung natapos ka ng High School. Kung ikaw naman ay kasalukuyan nag-aaral ng Senior High School, tapusin mo ito upang mas maging handa ka bilang HVAC Tech. Mas maganda rin kung ang iyong papasukan na track program sa Senior High School ay ‘Technical-Vocational’ upang mas mapaghandaan mo pa ng husto ang trabahong ito.

2. Gamitin ang malawak na impormasyon na makukuha sa internet tungkol sa HVAC. Ang tangi mong dapat gawin ay maghanap ng kapakipakinabang na kaalaman tungkol dito.

3. Magsanay sa mga TESDA accredited training centers upang magkaroon ng kasanayan sa pag kumpuni at pagbuo ng airconditioning system. Maaari kang magtanong-tanong sa pinakamalapit nilang tanggapan o kaya naman ay magsaliksik sa kanila website kung saan ang pinaka malapit na training center na maari mong pasukan.

4. Kumuha ng apprenticeship sa mga kompanya na HVAC ang tanging serbisong binibigyan ng pansin. Dito mo matutunan ang mga bagay na kailangan mo sa ganitong trabaho.

Sana ay makatulong ang mga payong ito sa iyo, at kapag isa ka ng ganap na HVAC technician, maaari ka ng maghanap ng trabaho kaagad. Magtungo sa PhilJobNet upang makapag rehistro at makahanap ng trabahong kaugnay ng HVAC.