Isa marahil sa mga ninanais ng mga empleyado ay ang pagbabago o pag-angat sa kani-kanilang pinapasukan. Ang pagkamit nito ay hindi tulad ng paglutas ng ‘Math problem’ na may sinusundang pormula. Ang pagkamit ng tagumpay ay walang sinusundang libro ng mga konkretong patakaran o pormula, ngunit nariyan ang ilang mga hakbang upang pahusayin pa lalo ang iyong mga kilos patungo rito.

Isa ba sa iyong mga nais pagtagumpayan ay ang pag-angat o pagbabago para sa iyong sarili, career o trabaho?

Anu-ano nga ba ang iyong kailangan gawin kung nais mong mapahusay ang iyong sarili at magkaroon ng maayos na direksiyon hindi lamang ang iyong trabaho ngunit pati na rin ang iyong buhay? Narito ang apat na hakbang:

  1. Magkaroon ng malinaw na layunin.

Sa pagkakaroon ng layunin, maaari mong siyasatin ang iyong progreso sa trabaho. Umuusad ba o halos pauli-ulit na lang ang iyong ginagawa? Kailangang malaman kung ano ang gustong marating sa loob ng kompanya o organisasyon. Dito rin malalaman kung ano ba ang dapat asahan sa iyong mga gawain.

  1. Alamin ang kasalukuyang sitwasyon sa trabaho.

Ikaw ba ay masaya sa iyong ginagawang tungkulin? Nakikita mo pa rin ba ang iyong sarili sa parehas na trabaho, dalawang taon mula ngayon? Ikaw lamang ang makapagsasabi kung ano ang iyong kasalukuyang sitwasyon. Kaya naman, ngayon din ang mabuting panahon upang simulan ang pagsusuri sa sarili.

  1. Pumili lamang ng isa o dalawa sa iyong mga gawain sa trabaho.

Marami kang maaaring tahakin na direksiyon ngunit limitahan lamang sa isa o dalawa ang mga ito. Upang mabigyan mo ng pansin at panahon ang iyong pagpipilian, mas mabuti kung mas kaunti ito. Mabuti rin ito upang maging tiyak ang iyong mga ikikilos.

  1. Simulan na ang mga susunod na hakbang patungo sa iyong  pag-angat.

Kapag nasuri mo na ang iyong sarili at nagawa mo na ang tatlong unang mga hakbang, maaari mo nang simulan ang mga susunod na hakbang. Isiping mabuti ang iyong mga dapat o kailangang gawin, bumuo ng maayos na plano at sundin ito upang makamit ang iyong mga adhikain.

Ang pagnanais na makamit para sa sarili ay hindi natatapos sa pagnanais at pangagarap lamang. Kailangan nito ng pagkilos at paggawa ng mga hakbang mula sa iyong mga nai-plano upang maging matagumpay.

Huwag ka lamang mag-abang, dahil ikaw ay aangat sa trabaho sa pagsunod mo sa apat na hakbang.

Kung nakatulong sa iyo ang artikulong ito, ibahagi ito sa iyong mga kaibigan sa social media upang sila rin ay matulungan natin. Maaari ka rin na makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng pag-iiwan ng komento dito sa Facebook. Hangad namin ang iyong tagumpay.