Bilang mga aplikante sa trabaho, halos lahat naman ay nakakaramdam ng takot o pangamba pagdating sa interview, sa pagsusulit, at minsan sa ibang bahagi ng proseso ng paghahanap ng trabaho.

Hindi ito dapat na ikahiya dahil normal ang ganitong mga pangyayari. Ang katunayan ay nakatutulong pa nga ito upang tayo ay makapaghanda ng maayos.

May nakausap kaming aplikante na humingi ng payo sa PhilJobNet dahil natatakot siya sa pre-employment requirements ng mga kompanya. Dahil doon ay naisip namin na isulat ang maikling artikulong ito. Sana ay makatulong ang artikulong ito sa mga tulad niyang natatakot din sa pre-employment requirements.

 

Pre-Employment Medical Requirements

Para sa mga naghahanap ng trabaho na natatakot sa mga pre-employment medical o drug testing medical requirements, alalahanin na wala dapat katakutan kung hindi ka naman gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Kung sakaling man na makita na mayroon kang karamdaman ay huwag mangamba, sapagkat bibigyan ka naman ng palugit upang magpagaling sa iyong karamdaman at hindi masasayang ang iyong aplikasyon sa trabaho.

Pre-Employment ID Requirements

Kung umabot ka na sa bahagi na ito ng job application ibig sabihin ay nakapasa ka na sa maraming pasubok na inihain sa iyo ng kompanya at ikaw ay halos tanggap na at kailangan na lamang ng mga papeles na magpapatunay na nararapat kang tanggapin sa trabaho. Dito kalimitan humihingi ng karagdagang Identification ang employers tulad ng NBI Clearance, SSS ID, Pag-Ibig ID at Barangay Clearance. Kung bago ka pa lang sa paghahanap ng trabaho ay marahil magulantang ka sa dami ng requirements na mga ito. Pero sa katunayan ay mabilis na ang pag proproseso ng mga ito. Kung kailangan mo din ng gabay kung paano makakuha ng mga Government ID’s ay maari mong basahin at ibahagi din ang impormasyon na makikita sa link na ito – Guidelines on how to quickly secure Government ID’s for new ‘Jobseekers’

Sa huling bahagi ng paghahanap ng trabaho ang pre-employment requirements kaya huwag mo itong hayaan na maging hadlang para sa iyong matagumpay na pagpasok sa isang kompanya. Hindi dapat ito gawing dahilan upang hindi ka magsimula sa paghahanap ng trabaho. Ang pinakamagandang gawin mo ay isulat ang iyong resume, magbukas ng account sa PhilJobNet at maghanap dito ng mga trabahong iyong maaaring pasukan.