Hindi lamang ang call center agents ang nagse-serbisyo at pumapasok sa gabi. Nariyan din ang mga nurse, doktor, guwardya, drayber at ibang trabahador na sa gabi ang pasok habang nagpapahinga ang karamihan.

Dahil sa gabi ang pasok ay madalas mapabayaan ang pangagatawan dahil sa maling mga pamamaraan at kaugalian kaya naisip namin na magbigay ng mga impormasyon na magagamit ng mga manggagawang nagpupuyat para sa pamilya at sa bayan.

Narito po ang mga maaaring gawin ng mga naghahanapbuhay sa gabi:

Uminom ng maraming tubig. 

Mainam na ugalin ang pag-inom ng maraming tubig lalo na kung ikaw ay kulang sa tulog para mapanatili ang iyong kalusugan ayon sa mga doktor.

Iwasan ang pag-inom ng kape o soft-drinks limang oras bago matulog.

Mas makabubuting tubig o fresh juice na lamang ang inumin 3-4 hours bago matapos ang iyong shift.

Kumain ng masustansiyang pagkain. 

Umiwas sa pagkain ng karne ng baboy upang hindi tumaas ang presyon ng dugo at mas damihan ang pagkain ng gulay at prutas.

Mag-ehersisyo kahit isa o dalawang beses sa isang linggo.

Mas maigi kung kakayanin din maglakad araw-araw, maski tatlumpong minuto lamang kada araw. Mabuti rin ang pagpawisan upang makatulong sa sirkulasyon ng katawan.

Gumamit ng ‘ear plugs’ para mas malalim ang tulog.

Nabibili ito sa mga hardware at music stores. Magandang ideya ang pag gamit ng ear plug para hindi maistorbo ang pag-tulog at maging tuloy-tuloy ang pagpapahinga.

Mag-ehersisyo kahit isa o dalawang beses sa isang linggo.

Mas maigi kung kakayanin din maglakad araw-araw, maski tatlumpong minuto lamang kada araw. Mabuti rin ang pagpawisan upang makatulong sa sirkulasyon ng katawan.

Gumamit ng ‘eye-mask’ kung walang kurtina sa kwarto.

Kung hindi ka makapagtakip ng madilim na kurtina sa iyong silid ay maaari gumamit ng eye-mask upang makatulog na maaayos.

Huwag kalimutan maglibang.

Mabuting magkaroon ng isang libangan o hobby na pagtutuunan ng panahon sa araw ng pahinga upang magkaroon ng ibang aktibidad maliban sa trabaho, makaututlong ito upang maging maayos ang kabuuang kalusugan.

Iwasan gamitin ang ‘alak’ bilang pampatulog.

Bagaman mas madaling makatutulog kung nakainom ng alak hindi ito inirerekomenda ng mga eksperto, kaya iwasan ang pag-inom ng alak sa halip ay tubig o sariwang katas ng prutas ang inumin.

Itigil na ang paninigarilyo.

Walang benepisyo ito at higit pang makasasama sa iyong kalusugan. Umiwas din sa mga taong naninigarilyo kung maaari dahil marami din maaring sakit na idulot ito.

Magpatugtog ng classical music o ng mga tugtuging kaayaaya sa pandinig.

Malaki ang maitutulong ito na maging payapa ang isip upang maging madali ang pagtulog.

Gumawa ng tamang oras ng tulog.

Matulog kung oras ng tulog at huwag sayangin ang oras sa mga bagay na hindi makatutulong sa iyong kalusugan.

Iwasang gumamit ng kahit na anong gadget bago matulog

Madalas kung gamit mo pa rin ang iyong cellphone habang ikaw ay nakahiga na ay mapapatagal pa lalo bago ka dalawin ng antok. Kung hindi talaga maiiwasan, siguraduhing mababa ang liwanag ng screen ng iyong cellphone upang hindi masira ang tulog at dalawin ka ng antok.

Upang madaling makatulog sa pag uwi ay dapat na alisin ang mga alalahanin sa isip at mag-relax. Iwanan na muna ang mga gawain sa trabaho at magpahinga. Sana ay makatulong ang mga tips na ito upang makapagtrabaho ng maaayos ang mga taong naghahanapbuhay habang nagpapahinga ang karamihan.