Paghahanda Bago Mag-apply sa Isang Kompanya

Dahil graduation season na may inihanda kaming mga mahalagang impormasyon para makatulong sa iyong pag-a-apply sa trabaho. Nalalapit na ang araw ng katotohan, magagamit mo na ang lahat ng iyong inaral at pinagsanayan sa loob ng maraming taon. Kailangan mo lamang manalig sa iyong sarili at harapin ang mga bagong pagsubok na darating.

Narito ang mga tips na makakatulong sa iyo:

Magsulat ng Resume

Para makasulat ng maayos na resume kailangan itong maging malinaw, at madaling mabasa. Gumamit ng bullet points imbes na tuloy-tuloy na pagsulat o free-flowing (resume), mas mapapadali ang pagbasa ng ganitong klaseng resume. Tiyakin rin na gumamit ng fonts na hindi masakit sa mata, dahil kailangang malinaw na mabasa ang iyong impormasyon. Siguraduhin mo na nakalagay lahat ng impormasyon na makatutulong para makuha mo ang nais na trabaho. Para sa komprehensibong paraan kung paano magsulat ng resume, maari mong basahin ang article na ito.

Magregister sa Online Job Portal

Kung gagamit ka ng online job portal siguraduhin mo na fill-up-an ang lahat ng fields na kailangan lagyan ng info dahil mas lalaki ang iyong pagkakataon ng makahanap ng trabaho, makikita ang iyong resume ng mas maraming mga recruiters at maaari mauna ka nilang tawagan dahil kompleto ang iyong registration sa job portal bilang Jobseeker. Kung gusto mong mag register sa job portal ng PhilJobNet, ito ang link.

Magsuot ng nararapat

Kailangang planuhin mo ang iyong isusuot para sa iyong job interview. Ihanda ito isa o dalawang araw bago ang nakatakdang interview. Pumili ng mga damit na neutral ang kulay, umiwas sa mga matitingkad na kulay tulad ng pula, orange, lime green o mga kulay na katulad nito. Business attire o business casual ang iyong isuot na damit sa araw ng interview. Pumili ng komportable at maayos na damit, higit sa lahat magsuot ka rin ng malaking ngiti para sa iyong darating na interview.

Ihanda ang sarili para sa Job Interview

Kailangang ihanda ang sarili lalo na ang iyong isip kung gusto mong makahanap ng trabaho. Ang job interviews ang isa sa pinakamahirap na pagdadaanan ng isang aplikante. Kinakailangan mong patunayan na karapat dapat ka sa trabahong inaaplyan. Maaring mo din sundan ang tips kung paano ka makakapag bigay ng magandang impression sa job interviews, sa pagbasa ng article na ito. Para sa komprehinsibong tips for Job Interview Questions – abangan ang aming susunod na feature tungkol dito.